Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, mas pinalawig na ng Department of Health (DOH) ang pagbabantay at pag-aaral sa dengue vaccination program ng pamahalaan.
Tinawag ng opisyal ang pangyayari na isang “shameless public health scam” at tiniyak na gagawin ang lahat upang masolusyonan ang problema.
Kasabay nito, nanawagan din si Roque sa publiko na huwag magkalat ng mga impormasyon na maaaring magsanhi ng alarma at pagkatakot.
Dagdag pa niya, wala pang naitatalang kaso ng nagkaroon ng mas malalang dengue infection sa mga nakatanggap ng bakuna noong nakaraang taon batay na rin sa naging ulat ng DOH.
Tiniyak din ni Roque na naiintindihan ng palasyo ang takot na nararamdaman ng mga magulang at kamag-anak ng mga estudyanteng nakatanggap ng dengue vaccine.
Ayon sa opisyal, nakikipag-ugnayan na ang DOH sa Department of Education (DepEd) sa pagbabantay sa mga estudyanteng naturukan ng Dengvaxia.
Ang kabuuang bilang ng mga estudyanteng nakatanggap ng naturang bakuna ay 733, 713 na nanggaling mula Metro Manila, Gitnang Luzon at Calabarzon.