Pagtaas ng ‘self-rated poverty’ isinisi sa inflation ng Malacañang

 

Inflation ang itinuturo ni Presidential Spokesperson Harry Roque na dahilan sa naitalang pagtaas ng bilang ng mga Pilipinong ikinukonsidera ang kanilang mga sarili na mahihirap.

Sa survey kasi na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) noong September 23 hanggang 27, 2017, 47% sa mga pamilya ang ikinukonsidera ang kanilang mga sarili na mahihirap.

Ayon kay Roque, nataon ang pagsasagawa ng survey sa kasagsagan ng paghina ng piso na nagresulta sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Nakapagtala aniya ng 3.4% na inflation noong Setyembre base sa datos ng Philippine Statistics Authority.

Aminado si Roque na nakababahala ang pagtaas ng self-rated poverty, ngunit isang magandang balita naman na bumababa naman na ngayon ang mga naituturing na “food-poor.”

Nitong September 2017, nasa 32 percent na lang ang mga pamilyang nagsasabing sila ay food-poor na 3 porsyentong mas mababa kumpara sa naitalang 35 percent noong nagdaang administrasyon.

Ito aniya ang dahilan kung bakit pinagsisikapan ng pamahalaan na makapagtayo ng matibay at sustainable na domestic economy at inclusive growth na magbibigay ng komportableng pamumuhay sa lahat.

Dagdag pa niya, kailangang tiyakin na mapagsisilbihan ng ekonomiya ang lahat ng mamamayan at walang maiiwan sa pamamagitan ng pagpapabuti ng mga social services ng bansa.

Kabilang dito ang libreng college education, gamot, irrigation, socialized housing, at conditional cash transfers.

Read more...