Mga TNVs, pwede lamang magkaroon ng 3 sasakyan ayon sa LTFRB

Nagpalabas ng bagong panuntunan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kung saan nakasaad na tatlong sasakyan lamang ang maaaring gamitin ng mga app-based transport services operators.

 

Sa ilalim ng Memorandum Circular No. 2017-032, nakasaad ang mga implementing guidelines sa transition period bago muling payagan ang mga transport network companies (TNCs) kagaya ng Grab at Uber na tumanggap ng bagong mga sasakyan sa kanilang system.

Hulyo pa lamang ngayong taon ay nakasuspinde na ang pagtanggap ng mga TNCs sa mga bagong magrerehistrong sasakyan.

Sa naturang memorandum, ikukonsidera bilang isang operator ang mag-asawa kahit na mayroon silang magkahiwalay na prangkisa o certificate of public convenience.

 

Ibig sabihin, tatlong sasakyan lamang ang pwedeng patakbuhin ng isang mag-asawa.

Ito ang naging solusyon ng LTFRB matapos malaman ni LTFRB Chair Martin Delgra III na mayroong mga operator na may 30 sasakyang nakarehistro sa kanyang pangalan at ginagamit bilang transport network vehicle services (TNVS).

Sakali namang mayroon pang higit sa tatlong sasakyan ang mga operators, maaari nila itong i-apply sa kagawaran bilang regular na taxi, tourist transport, o shuttle service.

Read more...