Ayon sa World Health Organization (WHO), nakakatanggap ito ng mga report tungkol sa peke at substandard na mga gamot para sa cancer at malaria, maging conraceptives at antibiotics.
Sinabi ni WHO Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus, nangangahulugan ang kanilang mga natatanggap na ulat na maraming mga tao ang hindi gumagaling dahil sa hindi sapat o peke ang kanilang mga iniinom na gamot. Aniya, nasasayang lamang ang mga pera ng mga tao dahil dito.
Dagdag pa nito, kapwa generic at patented na mga gamot ay pinepeke o kung hindi man ay ginagawang substandard.
Simula 2013, 1,500 cases na ang natanggap ng WHO at posibleng mas marami pa ang mga hindi nairereport na mga kaso.
Mula sa naturang datos, 42% ang mula sa Africa, 21% sa Amerika, at 21% sa Europa. 8% naman sa Western Pacific, 6% sa Eastern Mediterranean, at 2% sa South-East Asia.
Ayon kay WHO Assistant Director-General for Access to Medicines, Vaccines, and Pharmaceuticals Mariângela Simão, isang malaking problema para sa buong bansa ang pagkakaroon ng talamak na pamemeke ng mga gamot, maging ang paggawa ng mga substandard na medisina.
Sinisi ng WHO ang pamamayagpag ng “modern purchasing models” katulad ng mga online pharmacies dahil sa pamamagitan nito ay hindi nare-regulate ang pagbebenta ng mga gamot.