Maglalabas ng pahayag si Pangulong Rodrigo Duterte kung palalawigin ba o hindi ang ipinatutupad na martial law sa buong Mindanao region.
Sa panayam ay sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na sa susunod na linggo rin magsusumite ng kanilang assessment at recommendation sa isyu ang Armed Forces of the Philippines.
Matatapos sa December 31 ang martial law extension sa Mindanao samantalang hanggang sa December 15 na lamang ang sesyon ng kongreso bago ang kanilang Christmas break.
Sinabi ng Malacañang na dapat maglabas ng rekomendasyon ang AFP bago magbakasyon ang mga mambabatas dahil sa January 15 na sila babalik sa sesyon.
Noong July 22 natapos ang huling araw ng martial law sa Mindanao kaugnay sa naging pananakop sa Marawi City ng Maute group.
Humingi ng dagdag na panahon ang militar kaya nagkaroon ng extension na tatagal hanggang sa December 31.
Nauna nang sinabi ng Malacañang na pabor sila sa pagpapalawig ng batas militar para mas mabigyan ng proteksyon ang pagsisimula ng Marawi rehabilitation.