Wala akong dahilan para magbitiw sa puwesto-Sereno

 

Inquirer file photo

Muling nanindigan si Chief Justice Maria Lourdes Sereno na hindi siya susuko at magbibitiw sa pwesto.

Ayon kay Sereno, ilang beses na siyang sinabihan nang palihim at maging sa harap ng publiko na kusa nang bitiwan ang kaniyang posisyon.

Sa kabila nito, walang nakikitang dahilan ang punong mahistrado para gawin ito dahil ayon sa kaniya, ang lahat ng kaniyang ginawa mula nang siya ay maitalaga bilang associate justice noong 2010 ay walang bahid ng malisya at tapat sa kaniyang tungkulin.

Sinabi ito ni Sereno sa pagharap niya sa mga taga-suporta niya sa University of the Philippines sa Diliman, Quezon City.

“Sabi ko po lahat ng ginawa ko simula pa noong ako’y na-appoint na associate justice ay wala po ni isang bahid ng malisya. Lahat po ginawa ko nang tapat ang aking tungkulin. I went over and beyond the normal work load,” ani Sereno.

Hindi rin aniya siya matitinag hangga’t hindi siya iniiwan ng kaniyang mga taga-suporta, at hangga’t ang araw ay sumisikat sa silangan at bumababa sa kanluran, naniniwala siyang mananaig ang plano ng Diyos.

Aniya pa, itinalaga siya para pangalagaan ang hustisya, at ang kasarinlan ng hudikatura pati na ang mga kawani nito, kasabay ng pagpapatupad ng reporma sa nasabing sangay ng gobyerno.

“Ako po ay niluklok upang pangalagaan ang hustisya, bantayan ang independensya ng hudikatura, pangalagaan ang mga kawani ng hudikatura at ilatag ang suno-sunod na reporma sa hudikatura,” dagdag ni Sereno.

Read more...