Ang 21 consultants ay una nang pinalaya ng korte upang makilahok sa usapang pangkapayapaan sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Kabilang sa mga ito sina Benito at Wilma Tiamzon na napalaya sa kabila ng kinakaharap na mga kasong murder at kidnapping sa korte.
Ayon kay Col. Edgard Arevalo, pinuno ng Public Affairs Office ng AFP, kanilang sinisikap nang tukuyin ang kinaroroonan ng mga consultants.
Gayunman, wala pa naman aniyang spesipikong kautusan na dakpin muli ang mga ito.
Sa ngayon aniya, naghihintay pa sila ng direktiba upang matukoy kung kinakailangan nang ibalik muli sa kulungan ang mga ito.
Matatandaang noong nakaraang linggo, opisyal nang pinahinto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang peace talks sa pagitan ng pamahalaan at National Democratic Front.
Ito ay matapos ang patuloy na opensiba ng NPA laban sa mga sundalo sa iba’t ibang probinsya.
Gayunman, buwan pa ng Agosto nang hilingin ng Office of the Solicitor General sa korte na kanselahin na ang bail bonds ng mga NDF consultants at muling ipaaresto ang mga ito.