Sinalubong ng mahahabang pila ang ilan sa mga tanggapan ng Commission on Elections (COMELEC) sa pagtatapos ng pagpaparehistro para sa Barangay at SK Elections sa May 2018.
Sa Comelec office sa Arroceros sa Maynila ay mahaba na ang naging pila isang oras pa lang bago magbukas ang opisina.
Nakapagparehistro ang mga edad 15 hanggang 17 anyos para sa Sangguniang Kabataang elections habang ang nasa edad 18 anyos pataas naman ay para maging regular na botante.
Samantala, nasa higit-kumulang kalahating milyong nagnanais na makaboto sa buong bansa ang nakapaghain ng kanilang aplikasyon.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, nasa 496, 816 ang natanggap na aplikasyon ng Comelec mula November 6 hanggang 25.
Hindi naman awtomatikong maaaprubahan ang bawat aplikasyon dahil ipoproseso pa ito bawat isa ng election registration boards.
Nauna na ngang sinabi ng Comelec na wala silang plano na palawigin pa ang registration period.