Nagsimulang sumiklab ang sunog bandang 5:26 ng hapon kung saan nakaranas ng matinding pagsisikip ng trapiko ang mga motorista sa bahagi ng C5 road.
Ayon kay Bureau of Fire Protection (BFP) Taguig Chief Insp. Severino Sevilla, aabot sa 200 ang bilang ng mga pamilyang naapektuhan ng sunog.
Tinatayang aabot sa isang milyong piso ang kabuuang pinsala bunsod ng sunog na umabot sa Task Force Alpha.
Kwento ng residenteng si Lorna Tangon, bente anyos, nagmula ang apoy mula sa ikalawang palapag ng rinerentahang bahay na pagmamay-ari ng isang Aling Maring.
Ayon kay Sevilla, naging mabilis ang pagkalat ng apoy dahil dikit-dikit ang mga bahay na gawa sa konkreto.
Nahirapan din aniya ang pagresponde ng mga bumbero dahil sa sikip ng lugar at limitado ang mga mapapasukan ng mga otoridad.
Bunsod nito, nagtamo ng 2nd degree burn ang residente na si Arnel Decasin at pananakit ng likod naman kay FO1 Dean Erot matapos mahulog sa bubong habang rumeresponde sa sunog.
Samantala, agad dumating ang Department of Social Welfare and Development para asikasuhin ang mga apektadong pamilya.
Paalala naman ni Sevilla sa publiko, maging maingat at responsable sa paggamit ng kuryente lalo ngayong papalapit na Kapaskuhan.