Inilahad ni Supreme Court Associate Justice Teresita De Castro sa impeachment hearing sa kamara ang ginawang pagbuo ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno ng Regional Court Administration Office sa Region 7 nang hindi dumadaan sa en banc ng Korte Suprema.
Ayon kay De Castro, natuklasan nila ang pagbuo ng RCAO noong taong 2012 nang makatanggap ng imbitasyon ang mga mahistrado para launching ng nasabing opisina sa Region 7.
Sinabi ni De Castro na agad siyang nagtaka nang makita ang imbitasyon dahil wala siyang naaalala na may dumaan sa kaniya at sa en banc na Administrative Order (AO) 175 hinggil sa pagbuo ng RCAO.
Nang kaniyang alamin, natuklasan niya na ang AO ay inisyu ng punong mahistrado.
Paliwanag ni De Castro, walang kapangyarihan si Sereno na magbuo ng isang permanent office gaya ng kaniyang ginawa sa RCAO sa Region 7 dahil ang kapangyarihang ito ay saklaw ng lehislatura.
Maliban dito, ang mga tauhan na itatalaga sa RCAO ay dapat aprubado ng Korte Suprema, pero sa AO ni Sereno, nakasaad na ang chief justice lang ang mag-aapruba sa mga hihiranging staff.
Natalakay pa sa en banc ang ginawa ni Sereno at sinabi ni De Castro na sa isinagawa nilang sesyon, ipinaliwanag niya rin ang kaniyang posisyon.
Napagkasunduan ng en banc na bumuo ng study group at sinabi rin ni Sereno na babaguhin niya ang kaniyang kautusan.
Pero wala umanong inilabas na bagong administrative order si Sereno kaya nagpasya na si De Castro na sulatan ang punong mahistrado.