Nakatakdang pumunta sa Surigao del Sur si Social Welfare Secretary Dinky Soliman para tignan ang kalagayan ng mga evacuees mula sa tribong Lumad. Ang Surigao del Sur ngayon ay nasa state of calamity dahil sa pagdagsa ng tinatayang higit sa 3,000 Lumad evacuees.
Sa kasalukuyan ay paubos na ang suplay ng pagkain para sa mga ito na magkakasamang nanunuluyan ngayon sa Surigao del Sur Sports Center sa lungsod ng Tandag.
Ayon kay Surigao del Sur Governor Johnny Pimentel, hanggang Oktubre na lang ang itatagal ng suplay ng pagkain para sa 3,227 mga indibidwal na mula pa sa 27 mga tribal communities ng lalawigan. Nanindigan si Pimentel na hangga’t hindi mawawala ang puwersa ng armadong Bagani ay hindi makakamit ang kapayapaan sa kanilang lalawigan lalo na sa mga tribal communities.
Ang Bagani Force ang itinuturong pumatay sa mga lider ng Lumad na sina Emeritu Samarca, Dionel Campos at Juvello Sinzo. Ang pagkamatay ng tatlo ay sinundan naman ng pananambang ng mga pinaghihinalaang puwersa ng New People’s Army sa isang police convoy na ayon sa gobernador ay lalong nagpalala ng sitwasyon sa kanyang lalawigan.