Pamunuan ng LRT-1, isinisi sa isang pasahero ang bukas na pinto ng tren habang bumibiyahe

PHOTO CREDIT: Jason Ibe

Nag-viral ang video sa Facebook ng isang pasahero ng tren kung saan makikita na bukas ang pintuan ng tren ng Light Rail Transit-1 habang ito ay bumibiyahe.

Naganap ang insidente, Lunes ng gabi mula sa Vito Cruz hanggang sa Quirino Station.

Sa video ni Jason Ibe, sinabi niyang para siyang nasa isang theme park habang nakasakay sa tren dahil nakabukas ang pintuan nito habang umaandar.

Samantala, sa paliwanag ni Engr. Rod Bolario, ang operations director ng LRT-1, puwersahan umanong binuksan ng isang pasahero ng LRT ang saradong pinto.

Hindi naman nahuli o nakilala ang tinutukoy na pasahero ni Bolario dahil pagdating sa Quirino Station ay mabilis umano itong bumaba.

Aminado naman si Bolario na depektibo ang pinto ng tren kaya nang pilitin itong buksan ng pasahero ay bumukas nang hindi nade-detect ng train operator.

Kasabay nito ay humihingi ng paumanhin sa mga pasahero ang pamunuan ng LRT-1 kaugnay sa insidente.

Nakumpuni ang naturang tren pagdating sa Roosevelt Station sa Muñoz Station.

Paalala ng pamunuan ng LRT sa mga commuter huwag bubuksan ang mga pinto ng tren lalo na kung umaandar dahil mapanganib.

Hinihikayat din ni Engr. Bolario ang mga commuter na maging mahinahon sa sandaling makaranas ng hindi inaasahang pagbubukas ng mga pinto sa bagon ng LRT.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...