Inihain ni Gordon ang Senate Bill 1612 dahil sa pagiging overcrowded na ng NBP sa Muntinlupa, kung saan umabot na sa 24,770 ang inmates, gayong 10,000 katao lamang ang kapasidad nito.
Sa ilalim ng nasabing panukala, aatasan ang Department of Justice (DOJ) na magtayo ng bagong piitan sa Fort Magsaysay sa Palayan City, Nueva Ecija.
Ayon kay Gordon, matindi na ang pangangailangan para ayusin, palawakin at i-upgrade ang pasilidad ng NBP, at mai-relocate ito sa ibang lugar dahil sa pagsi-siksikan na ng mga preso.
Hindi na aniya katanggap-tanggap ang “living conditions” sa NBP, at may mga pahayag na rin mismo na galing sa Bureau of Corrections na nasa “state of emergency” na ang lagay ng sitwasyon sa naturang piitan.
Giit ng Senador, obligasyon ng pamahalaan na magkaroon ng sistema sa pambansang kulungan kung saan makatao silang naaasikaso bilang bahagi na rin ng kanilang rehabilitasyon.
Sa ganitong paraan kasi aniya ay makababalik pa ang mga ito sa lipunan bilang mga produktibong mamamayan na masunurin sa batas.
Matatandaang mayroong mega drug rehabilitation facility sa Fort Magsaysay na kayang tumanggap ng 10,000 na pasyante, ngunit halos hindi ito nagagmit dahil sa sobrang laki nito.