Hindi naipresinta kanina sa pagdinig ng House Justice Committee ang kopya ng Statement of Assets Liabilities and Net Worth (SALN) ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ipinaliwanag ni University of the Philippines’ Human Resources Development Office (HRDO) Director Angela Escoto na hindi nila makita ang 2002 SALN ng Punong Mahistrado.
Mula noong taong 2000 hanggang 2009 ay nagturo si Sereno sa U.P bilang isang associate professor.
Ang nadala lang nilang dokumento sa Kamara kanina ay ang 201 o personnel files ni Sereno na may petsang December 31, 2002.
Sinabi ni Escoto na pwede namang makuha ang kopya ng SALN ni Sereno sa Office of the Ombudsman.
Sa kanyang reklamo, sinabi ni Atty. Larry Gadon na hindi naging tapat si Sereno sa pagsusumite ng kayang SALN kabilang na dito ang kanyang kinitang P37 Million bilang abogado ng gobyerno sa Philippine International Air Terminals Company Inc. (PIATCO).
Pero sa kanyang mga naunang pahayag ay sinabi ni Sereno na P30 Million ang kanyang kinita bilang abogado ng gobyerno sa PIATCO at ito kanyang nakuha sa loob ng limang taon.
Sa kabuuan ay P8.7 Million umano ang napunta sa gobyerno bilang buwis at ang iba pang natira ay kanyang itinala sa mga isinumite niyang SALN mula 2004 hanggang 2009.