Sa kanyang pagharap sa impeachment hearing ng House Justice Committee, sinabi ni Canlas na hindi si De Castro ang nagbigay ng impormasyon sa kanya kaugnay sa isang temporary restraining order (TRO) na umano’y minaniobra ni Chief Justice Ma. Lourdes Sereno noong 2013.
Ipinaliwanag rin ni Canlas na wala siyang kaugnayan sa anumang grupo na nasa likod ng impeachment complaint laban sa Punong Mahistrado.
Noong isang linggo ay sinabi ni Atty. Larry Gadon na si Canlas umano ang source ng kanyang mga hawak na dokumento kasabay ang pagsasabing may direktang ugnayan ito kay De Castro na umano’y tatayong ring testigo sa reklamo laban kay Sereno.
Sa pagdinig ng komite kanina ay nagbago ng kanyang pahayag si Gadon sa pagsasabing hindi na niya tiyak kung si Canlas nga ba ang nagbigay sa kanya ng mga dokumento dahil marami umano siyang kausap na mga testigo.
Nang tanungin naman si Canlas kung sino ang source ng kanyang mga hawak na dokumento kaugnay sa mga umano’y dinuktor na public documents ni Sereno iginiit ng mamamahayag ang kanyang karapatan sa ilalim ng Sotto Law.
Nakasaad sa nasabing batas na hindi pwedeng pwersahin ang isang mamamahayag ng kanyang source ng balita na kanyang inilalabas sa publiko.
Bukas ay itutuloy ng komite ang pagdinig kaugnay sa impeachment complaint na isinampa laban kay Sereno.