Todo-tanggi si dating Pangulong Noynoy Aquino partikular na ang kanilang kinaaanibang Liberal Party ang nasa likod ng mga pagtatangka para ibagsak ang Duterte administration.
Sinabi ng dating lider na dapat hanapin ng gobyerno kung saan nagmumula ang mga banta ng destabilization kung meron man at hindi umano dapat isisi sa Liberal Party.
Pinuna rin ni Aquino ang mga ulat tungkol sa revolutionary government na balak umanong itatag ng pamahalaan sakaling magpatuloy ang mga pagtatangka laban sa kasalukuyang pamahalaan.
Ayon sa dating pangulo, malakas ang mga safety nets sa Saligang Batas at dapat umanong gamitin ito ng kasalukuyang pamahalaan.
Sakaling ituloy ng gobyerno, sinabi ni Aquino na kabilang siya sa mga susuporta para harangin ang pagtatayo ng isang revolutionary government.
Tinawag rin na pangha-harass ng dating lider ang impeachment complaint na isinampa laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Layunin lang umano ng nasabing reklamo na bigyan ng problema ang Punong Mahistrado pero siya’y naniniwala na mahina naman ang mga reklamo na isinampa laban kay Sereno.
Si Aquino kasama ang kanyang mga kapatid ay dumalaw sa Manila Memorial Park kaninang umaga kaugnay sa ika-85 taong kaarawan ni dating Sen. benigno “Ninoy” Aquino Jr.