Kasama si Justice Sec. Vitaliano Aguirre, ipinakita ni Roberto Catapang Jr. ang dokumento para patunayan ang nasabing anomalya at ang pagkakasangkot dito nina dating Pulic Works Sec. Rogelio Singson at dating Budget Sec. Butch Abad.
Ayon kay Aguirre, unang lumapit sa kanya si Catapang apat na buwan na ang nakakaraan pero nag-execute lamang ng kanyang affidavit sa National Bureau of Investigation noong nakaraang araw.
Ayon kay Catapang nagsumite na siya sa DOJ ng mahigit 20- pahinang affidavit.
Si Catapang ay isang pribadong indibidwal na kabilang sa grupo na nagpo-proseso ng mga pekeng titulo at nagke-claim ng road right of way payments mula sa gobyerno.
Iginiit ni Catapang na alam nina Singson at Abad ang anomalya dahil nahuli na noon ang nasabing modus sa buong Region 12 pero pinagpatuloy sa General Santos City base sa hawak niyang dokumento.
Idinadawit din ni Catapang ang bayaw ni dating Pangulong Noynoy Aquino na si Eldon Cruz, mister ng dating presidential sister na si Balsy.
Kabilang sa hawak umano nilang ebidensya ang kopya ng P500 Million na bayad para sa right of way ng 18 pekeng titulo sa General Santos City na nai-release ng DBM sa DPWH at kopya ng endorsement kung saan nakalagay ang pirma ni Eldon Cruz.
Kaugnay nito, ipinaaalam pa ni Aguirre sa NBI kung pwedeng isama si Cruz sa ginagawang case build-up laban kina Singson at Abad.
Si Catapang ay inilagay na sa Witness Protection Program ng DOJ.