Justice De Castro inireklamo dahil sa information leakage sa Supreme Court

Nagsampa ng reklamo ang Filipino Alliance for Transparency and Empowerment (FATE) sa Supreme Court laban kay Associate Justice Teresita Leonardo-De Castro.

Sa kanilang 5-page complaint, sinabi ng FATE na nilabag mismo ni De Castro ang kanilang internal rules at New Code of Judicial Conduct for the Philippine Judiciary.

May kaugnayan ito sa naging pahayag ni Atty. Larry Gadon sa House Justice Committee na galing kay De Castro ang mga dokumento na ibinigay umano sa kanya ng Manila Times reporter na si Jomar Canlas.

Ang mga dokumentong ito ang ilan umano sa mga magpapatunay na matibay ang kanyang isinampang impeachment complaint laban kay Chief Justice Ma. Lourdes Sereno.

Ipinaliwanag ng FATE sa kanilang reklamo na mali ang ginawa ni De Castro na pag-leak ng mga confidential informations mula sa Mataas na Hukuman.

Dahil dito ay kailangan umanong disiplinahin si De Castro dahil sa kanyang pagkakamali.

Noong nakalipas na linggo ay itinanggi ni De Castro na may kaugnayan sila sa umano’y pag-leak ng mga impormasyon tulad ng pahayag ni Gadon sa Kamara.

Sinabi rin ni De Castro sa kanyang pahayag na wala siyang ibinibigay na anumang uri ng dokumento kay Canlas o kahit na kaninong miyembro ng media.

Read more...