Kinansela na ng Land Transportation Office (LTP) ang driver’s license ng dating beauty queen na si Maria Isabel Lopez ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Bunsod ito ng paggamit ni Lopez ng traffic lane sa EDSA na nakalaan para lamang sa mga delegado ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Ayon kay MMDA spokesperson Celine Pialago, bukod dito ay pinagbawalan si Lopez na mag-apply o kumuha muli ng lisensya sa susunod na dalawang taon.
Kailangan din aniyang magbayad ni Lopez ng P8,000 para sa reckless driving, disregarding traffic signs at paglabag sa Anti-Distracted Driving Act.
Matatandaang binatikos si Lopez matapos ipagyabang sa kanyang Facebook account na nakadaan siya sa ASEAN lane, na isinara sa mga motorista.
Sinabi ni Lopez na tinanggal pa niya ang traffic cone para makadaan siya, at sinundan pa siya ng ilan pang sasakyan.