2 patay, 30 sugatan sa pagsabog sa port city sa Shanghai

 

Dalawa ang nasawi habang hindi bababa sa 30 ang nasugatan sa pagsabog na naganap sa isang port city sa timog ng Shanghai.

Dahil rin sa nasabing pagsabog, ilang gusali at mga sasakyan ang napinsala at nawasak na nag-iwan ng maraming debris sa mga kalsada.

Ayon sa Xinhua News Agency, naganap ang pagsabog sa Ningbo, na isa sa mga pinaka-mataong port sa China.

Napag-alaman ng mga bumbero na nagmula sa isang butas sa lupa ang pagsabog, na dating kinalalagyan ng isang palikuran.

Gayunman hindi pa nila natutukoy kung ano ang tunay na naging sanhi ng pagsabog kaya patuloy pa silang nagsasagawa ng imbestigasyon.

Hindi rin natukoy sa ulat kung nangyari ba sa loob ng isang gusali ang pagsabog.

Sa nasa 30 nasugatan sa pagsabog, dalawa sa kanila ang nasa malubhang kalagayan.

Kasama sa mga napinsala ay ilang residential buildings, pero sa kabutihang palad ay wala nang taong naninirahan sa mga ito dahil sa nakatakda na nitong demolisyon.

Ilan sa mga nakasaksi ang nagsasabi na posibleng pipeline na tinamaan sa kasagsagan ng demolisyon ang nagsanhi ng pagsabog, ngunit itinanggi naman ng Ningbo gas company na mayroon silang linya sa lugar.

Read more...