Maine Mendoza, humiling ng kalayaan mula sa kanyang mga tagahanga

 

Mula sa mainmendoza.com

Humihiling si Maine Mendoza ng kalayaan mula sa kanyang mga tagahanga.

Sa isang open letter na kanyang inilathala sa kanyang personal blog, sinabi ni Maine na nararamdaman niya na habang tumatagal ay tila nakakahon siya sa mga sinasabi ng kanyang mga tagasuporta.

Ani Maine, bagaman malaki ang kanyang pasasalamat sa kanyang mga fans ay hindi niya maiwasang masakal dito dahil sa tila pagdidikta nila sa kanya kung ano ang dapat sabihin at ano ang dapat maramdaman sa kung ano mang isyu o pangyayari sa buhay ng tinaguriang Kalyeserye queen.

Sa naturang open letter, sinabi ni Maine na ang tanging gusto lamang niya ay magbigay ng saya sa mga tao at hindi niya pinangarap na yumaman o sumikat. Kaya naman nasasaktan siya sa tuwing iba ang pagsusukli ng kanyang mga tagahanga dito.

Inihalimbawa ni Maine ang mga pambabatikos na ibinabato sa kanyang mga kaibigan at kaanak.

Aniya, sana ay balikan ng kanyang mga tagahanga ang pinag-ugatan ng kanyang pagsikat sa Kalyeserye at ito aniya ay pag-ibig.

Dagdag pa ni Maine, lubha siyang naapektuhan sa mga sinasabi ng kanyang mga tagasuporta at nararamdaman niya sa kanyang sarili na hindi na siya masaya.

2015 nang sumikat si Maine dahil sa kanyang on screen tandem kasama ang Kapuso actor na si Alden Richards sa segment na Kalyeserye ng Eat Bulaga.

Read more...