P2.17 Billion halaga ng pinsala ng CPP-NPA sa Mindanao ayon sa AFP

Inquirer file photo

Inihayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na sa loob pa lamang ng taong 2017 ay umabot na sa P2.17 Billion ang halaga ng mga ari-arian at negosyo na nasira ng mga pagsalakay na ginawa ng mga miyembro ng CPP-NPA sa Mindanao.

Sinabi ni AFP Spokesman Major Gen. Restituto Padilla na para sa taong kasalukuyan ay umabot na sa mahigit sa limampung mga pag-atake ang inilunsad ng mga rebeldeng komunista sa rehiyon.

Kabilang dito ang pagnanakaw at pagsira sa ilang mga ari-arian na pag-aari ng mga negosyante na tumatangging magbigay ng revolutionary tax.

Kung susumain ay tumaas ng 2000-porsiento ang halaga ng kanilang mga sinira sa kabuuan ng Mindanao ayon pa sa ulat ni Padilla.

Malinaw ayon pa sa opisyal na ito ay isang uri ng economic sabotage dahil sa mga nawalang kita at trabaho para sa mga residente sa Mindanao region.

Kaugnay nito, sinabi ni Padilla na nagdagdag na sila ng mga tauhan sa Mindanao para bigyan ng proteksyon ang publiko.

Kamakalawa ay pormal nang pinutol ng pamahalaan ang peace talks sa pagitan ng gobyerno at ng komunistang grupo.

Sa kanyang panig, sinabi naman ni CPP-NPA Founding Chairman Jose Maria Sison na si Pangulong Rodrigo Duterte mismo ang dapat sisihin sa pagkakadiskaril ng peace talks.

Read more...