Mas bibigyang-pansin ngayon ng Armed Forces of the Philippines ang pag-aresto sa mga consultant ng Communist Party of the Philippines, New People’s Army at National Democratic Front.
Ito’y matapos na pormal nang wakasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang usapang pang-kapayapaan o peace talks sa komunistang grupo.
Ayon kay AFP Spokesperson Major General Restituto Padilla, wala nang bisa ang safe conduct pass na ipinagkaloob noon ng gobyerno sa mga Consultant ng CPP-NPA-NDF para sa kanilang pansamantalang kalayaan at pakikilahok sa peace talks.
Nagbabala rin ang AFP na kasamang aarestuhin ang sinuman na mapapatunayang tumutulong at nangangalaga sa mga NPA, ngayon pang itinuturing na silang mga terorista.
Hindi naman nilinaw ni Padilla kung magkakasa na ang militar ng giyera kontra-NPA.
Tiniyak ni Padilla na lalo pang paiigtingin ng AFP ang kanilang mga isinasagawang operasyon sa mga lugar kung saan nagkukuta ang mga rebeldeng grupo.
Nauna nang sinabi ng National Democratic Front of the Philippines na hindi pwedeng arestuhin ang kanillang mga consultants dahil may bisa pa rin ang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantee (JASIG).