Pagtanggal ng police powers sa ilang lokal na opisyal, hindi laging drug-related – NAPOLCOM

Nilinaw ng National Police Commission (NAPOLCOM) na hindi lang pagkakasangkot o pangungunsinti sa kalakalan ng iligal na droga ang maaring maging dahilan kung bakit nila tinanggalan ng kapangyarihan sa pulisya ang ilang mga lokal na opisyal.

Ginawa ni NAPOLCOM Vice Chairman at Executive Officer Rogelio Casurao matapos kwestyunin ni Zamboanga del Sur Rep. Aurora Ceriles ang pagkakatanggal ng police power ng kaniyang mister na si Gov. Antonio Ceriles.

Paliwanag ni Casurao, bagaman karamihan sa mga tinanggalan nila ng police power ay pawang may kinalaman sa iligal na droga, mayroong kani-kaniyang detalyadong dahilan ang bawat pangalan na nasa listahan ng mga inalisan ng deputation of police supervision.

Giit niya, hindi naman laging may kinalaman sa droga ang dahilan nito at malinaw sa kanilang mga resolusyon kung ano ang nag-sanhi nito.

Ibinahagi niya na sa kaso ni Gov. Ceriles, “receipt of a confidential report outlining the abuse of authority committed” ang dahilan kung bakit ito ginawa sa kaniya ng NAPOLCOM.

Sinuportahan naman ni Interior and Local Government officer-in-charge Catalino Cuy ang paliwanag na ito ni Casurao at iginiit na maraming grounds ang maaring gamitin sa withdrawal of deputation.

Marami na ang mga pumalag sa hakbang na ito ng NAPOLCOM, kabilang na si Sen. Cynthia Villar na humiling pa kay Cuy na ipaliwanag sa kaibigan niyang alkalde sa Mindanao kung bakit ito nasali sa listahan.

Giit ni Villar, dapat bigyan ng pagkakataon ang kaniyang kaibigan na maipaliwanag ang kaniyang panig.

Read more...