(update) Isa ang patay at tatlumpu’t dalawa na ang nasugatan matapos pasabugin ang bus ng Rubiel Bus Transport sa Zamboanga City kanina.
Ayon kay Zamboanga City Mayor Beng Climaco, naganap ang pagsabog alas 2:15 ng hapon, habang ang bus ay nakaparada sa Murga Compound, Calixto Street, Barangay Zone 1.
Sinabi ni Climaco na agad rumesponde sa lugar na pinangyarihan ng pagsabog ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) at ang City Disaster Risk Reduction and Management Office.
Pinayuhan din ni Climaco na laging maging mapagmatyag. “The PNP and CDRRMO Response units are now in the area. Please remain calm and vigilant at all times,” ayon sa Facebook post ni Climaco.
Ayon naman kay Philippine Red Cross (PRC) Chairman Richard Gordon, patungo sana sa Labuan, Zamboanga ang nasabing bus nang biglang nagkaroon ng pagsabog bago pa makaalis sa terminal.
Nagpadala na rin ng mga ambulansya at mga medical teams ang Red Cross at agad silang magtatayo ng set up welfare desks.
Samantala, sinabi ni PNP Region 9 Director Chief Supt. Miguel Antonio, nakuhanan ng CCTV ang isang tao na naghagis ng bag sa loob ng bus bago ang naganap na malakas na pagsabog.