P300-K na pabuya, alok sa magtuturo sa pumatay sa barangay captain sa Cebu City

Nag-alok ang isang lokal na partido sa Cebu City para sa ikareresolba ng pagpatay sa kapartido nilang barangay chairman sa bayan ng Liloan kamakailan.

Handang magbigay ang partidong Barug Team Rama ng P300,000 kapalit ng anumang impormasyong makapagtuturo sa apat na armadong lalaking bumaril at nakapatay kay Barangay Ermita chairman Felicisimo “Imok” Rupinta.

Isa ang nasabing barangay sa mga lugar sa Cebu City kung saan talamak ang kalakalan ng iligal na droga, at kabilang rin si Rupinta sa mga sinuspinde ng Ombudsman dahil sa hindi pakikipagtulungan sa raid ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong nakaraang taon.

Ayon kay Cebu City Vice Mayor Edgardo Labella, nagdesisyon silang mag-ambagan ng pera para makatulong sa pag-resolba sa nasabing krimen.

Malaki naman aniya ang tiwala nila sa kakayanan ng kanilang pulisya at ng National Bureau of Investigation (NBI) para malutas ang krimen, ngunit nais lang nilang mapabilis ang imbestigasyon.

Tiniyak naman ni Labella na lahat ng mga impormasyong ibibigay sa kanila ay isasailalim sa masusing beripikasyon upang maiwasan ang misinformation at para makuha ang mga tamang target.

Read more...