Mas maraming armas, nakuha ng militar sa Lake Lanao

Photo from Western Mindanao Command

Sa pagpapatuloy ng pagpapatrulya ng mga pwersa ng pamahalaan sa Lake Lanao, marami pang armas na pinaniniwalaang inabandona ng mga terorista ang kanilang namataan at narekober.

Ayon kay Western Mindanao Command chief Lt. Gen. Carlito Galvez Jr., pawang mga tauhan ng Naval Special Operations Group at Special Forces ang nakadiskubre sa mga armas sa tubig noong Huwebes.

Nagpapatrulya aniya ang mga ito sa gilid ng bahagi ng Lake Lanao na nasa Barangay Marinaut sa Marawi City nang mamataan nila ang isang M60 na machine gun, dalawang grenade launchers, 13 rounds ng rocket propelled grenades, 18 na rifle grenades at mga bala ng machine gun.

Nitong buwan rin lamang ay nakuha naman ng militar ang apat na machine guns at 26 na rifles na nakalubog sa Lake Lanao sa bahagi na katapat lamang ng gusaling pinagtaguan ng Maute Group.

Pinuri naman ni Galvez ang mga sundalo para sa kanilang pagsisikap na mahanap ang mga baril at bala na itinago ng mga terorista sa Marawi City.

Hindi aniya ito madali dahil may posibilidad na sumabog ang ilang mga bala.

Gayunman, kumpyansa naman siyang sanay at eksperto na ang kanilang mga tauhan sa ganitong klase ng delikadong misyon.

Read more...