Dinadagan ng Taguig City Government ang halaga ng ibinibigay na cash gift sa senior citizens na nagdiriwang ng kaarawan.
Ito ay makaraang aprubahan ang City Ordinance Number 25 series of 2017 na nagtataas sa tinatanggap ng cash gift ng mga senior citizen kapag nagdiriwang sila ng kaarawan.
Mula sa kasalukuyang P1,000 na monetary gift, ang mga senior citizen sa lungsod ay tatanggap na ng mga sumusunod:
- P3,000 sa mga edad 60 hanggang 69
- P4,000 sa mga edad 70 hanggang 79
- P5,000 para sa mga edad 80 pataas
Ayon kay Taguig City Mayor Lani Cayetano, sa pamamagitan nito, mararamdaman ng mga nakatatanda na sila ay prayoridad ng local na pamahalaan.
Malaking tulong aniya ang cash gift sa medical needs at iba pang gastusin ng mga senior citizen.
Para makatanggap ng cash gift, ang senior citizen ay dapat nakatira sa Taguig City sa loob ng hindi bababa sa limang taon at dapat ay rehistradong botante sa lungsod.
Kinakailangan lamang ipakita ang Senior Citizen ID card at photocopy nito para ma-claim ang regalo.