Budol-budol suspect arestado matapos mambiktimang ng retiradong OFW

Kuha ni Justinne Punsalang

Hindi napigilan ng mga nabiktima ng isang lalaking miyembro ng sindikato ang kanilang emosyon matapos nilang makaharap ang suspek na sumira sa kanilang buhay.

Kwento ni Leonardo Austria, isang retiradong overseas Filipino worker, una siyang nilapitan ng isang Vince na sinabing isa umanong importer ng fish enzyme.

Makalipas ang isang linggo ay isa namang Engineer Luis De Guia na may kasamang Japanese national ang nakilala ni Austria na naghahanap umano ng supplier ng tuna fish enzyme para sa kanilang negosyo.

Hindi alam ni Austria na magkakasabwat pala ang tatlo at sa pamamagitan niya ay pinagtagpo niya ang mga ito na nagkaroon ng kasunduang magkakaroon sila ng transaksyon, habang makaktanggap naman ng porsyento si Austria.

Nagulat na lamang si Austria nang biglang magdala si alyas Vince sa kanyang bahay ng 250 kahon ng tuna fish enzymes.

Nang kausapin niya si De Guia ay nakiusap ito na abonohan muna ni Austria ang mga produkto dahil sa mga panahong iyon ay hindi umano makapagpadala ng bayad si De Guia.

Sa kabuuan, ₱8.29 milyon ang inilabas ni Austria. Huli na nang malaman niyang nabiktima siya ng pambubudol.

₱7.29 milyon sa ibinayad ni Austria ay idineposito sa bank account ni Winifredo Adriano na isa namang seaman.

Lumutang si Adriano sa mga operatiba ng QCPD-District Special Operations Unit para linisin ang kanyang pangalan. Aniya, hindi siya membro ng grupo ni De Guia at ginamit lamang nito ang kanyang bank account.

Kwento ni Adriano, nakilala niya si De Guia sa pamamagitan ng isang kaibigan.

Nagpatulong umano si De Guia kay Adriano na sa bank account niya ipapadala ang pera na para umano sa pagpapagamot ng kanyang nanay.

Dahil sa tiwala mula sa kanilang common friend ay pumayag si Adriano na gamitin ni De Guia ang kanyang bank account kung saan pumasok ang ₱7.29 milyon na kanyang winithdraw at ibinigay kay De Guia.

Laking gulat na lamang ni Adriano nang makita niya sa balita ang kanyang pangalan na sinasabing suspek sa pambubudol.

Matapos ang insidente ay kinausap pa siya muli ni De Guia at hiningan ng ₱100,000 para hindi na nila idiin pa sa krimen si Adriani.

Dito na nakipag-coordinate si Adriano sa mga otoridad na nagresulta sa pagkakaaresto ni De Guia na ang totoong pangalan ay Jonathan Asuncion.

Mahaharap si Asuncion sa kasong extortion dito sa Quezon City habang syndicated estafa naman sa Bataan.

Hinihimok naman ng mga otoridad ang mga iba pang nabiktima ni Asuncion para masampahan ng karagdagang kaso.

 

 

 

 

 

Read more...