Duterte, “mentally unfit” ayon kay Joma Sison; AFP at gabinete dapat ikunsiderang patalsikin ang pangulo

Matapos pormal na ihinto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang usapang pangkapayapaan sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF), inakusahan ni CPP Founder Joma Sison ang pangulo na “mentally unfit” para pamunuan ang bansa.

Sa inilabas na statement, pinayuhan ni Sison ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at ang lahat ng miyembro ng gabinete ng Duterte administration na ikunsidera at pag-aralan kung ang pangulo ba ay “mentally fit” para sa pwesto o kiakailangang palitan sa ilalim ng isinasaad ng 1987 Constitution.

Ani Sison, may mga sintomas kasi ng pagiging “mentally unfit” ang pangulo sa pagtugon sa mga usapin sa bansa partikular sa naging pag-usad ng peace process sa pagitan ng pamahalaan at NDFP.

“There are symptoms that Duterte is mentally unfit to handle the complexities of the affairs of his state and the peace process between the GRP and NDFP. GRP officials in his Cabinet and the reactionary armed forces should consider whether he is mentally fit for his office or needs to be replaced in accordance with their 1987 Constitution,”

Tinukoy ni Sison ang mga pahayag ni Duterte na mistulang umaanin ito ng pagiging diktador, ang kaniyang pagpapakita ng kagustuhang makapatay, at ang payo kamakailan sa NDFP na makipagnegosasyon na lang sa magiging susunod na administrasyon.

Ayon kay Sison, sinadyang isabotahe ni Duterte ang peace talks sa pagitan ng pamahalaan at NDFP.

Kung tutuusin aniya sa November 22 at 23, handa na ang negotiating panels ng magkabilang panig na plantsahin ang mga napagkasuduan sa nagdaang mga pag-uusap.

Sa November 25 hanggang 27 sana isasagawa ang fifth round ng formal talks sa Oslo, Norway.

Kabilang sa mga napagkasuduan na at mayroon nang nabuong common drafts ay ang pagkakaloob ng general amnesty at pagpapalaya sa lahat ng mga political prisoners bilang pagsunod sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL).

Pagdedeklara ng unilateral ceasefires habang nagaganap ang ikalimang round ng formal talks hanggang sa sixth round na gaganapin sa January 2018.

Napagkasunduan din ang pagpapatupad ng part 1 ng Agrarian Reform and Rural Development (ARRD) at part II ng National Industrialization and Economic Development (NIED) sa ilalim ng Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER).

Ayon kay Sison, ang mga nagdaang pahayag ni Duterte laban sa CPP-NPA-NDF ay malinaw na paglabag sa mutual agreement sa pagitan ng dalawang panig na wala munang dapat ilalahad tungkol sa pag-uusap hanggang sa may magandang kasunduang mabuo sa pagtatapos ng fifth at sixth round ng formal talks.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...