Tinalakay ng mga mambabatas ang panukala ni Isabela Cong. Rodolfo Albano III na House Bill no. 180 o “Compassionate Medical Cannabis Bill”.
Layon ng naturang bill na payagan ang paggamit ng medical marijuana lalo na sa malalalang sakit sa patnubay pa rin ng Food and Drug Administration (FDA) at Department of Health (DOH).
Iginiit ni Albano sa plenaryo na may mga pag-aaral nang isinagawa sa Espanya at iba pang bahagi ng Europa, Israel at Estados Unidos na nagpapatunay sa mga ‘medicinal benefits’ ng marijuana.
Samantala, iginiit naman ni Buhay party-list Rep. Lito Atienza sa mga kapwa kongresista na huwag madaliin ang pag-aapruba sa panukalang batas.
Hinikayat niya ang mga nagpanukala na magpakita ng mga karampatang ebidensya na magpapatunay na maaaring magamit ang marijuana para sa medisina.
Suportado naman ni Bukidnon Rep. Miguel Zubiri ang panukala at sinabing may gamot na aprubado ng US FDA taglay ang ilang ingredients mula sa marijuana.
Nangako siyang ipipresenta ito kay Atienza.
Tiniyak naman ni Albano na patuloy pa ring ipagbabawal ang paggamit ng marijuana para lamang sa ‘recreational purposes.’