Ito ang panawagan ni Cebu Archbishop Jose Palma sa Philippine National Police matapos ibalik ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ahensya ang giyera kontra droga.
Iginiit ni Palma na sang-ayon ang Simbahang Katolika sa kampanya ng gobyerno kontra droga ngunit ang pagbabalik sa PNP ng pamumuno rito ay isang isyung dapat pag-isipan nang mabuti.
Ayon sa Arsobispo, dapat siguruhin ng PNP na ang magiging diskarte nila sa drug war ay magiging parehong ‘legal at moral.’
Hinikayat niya ang pambansang pulisya na sumunod sa batas at alalahanin na tayo bilang isang bansa ay iisang pamilya.
Gayunpaman, sinabi rin ng arsobispo na ang desisyon ukol sa kung sino ang mamumuno sa war on drugs ay dapat na lamang ipaubaya sa gobyerno dahil mas alam nito ang mas makabubuti para sa bansa.
Muli niya namang ipinaalala sa mga pulis na huwag ilagay sa kamay ang batas at igalang ang buhay ng tao.