Nakahanda si Justice Sec. Vitaliano Aguirre II na depensahan ang pag-abswelto ng kaniyang kagawaran kay dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon sa kaso ng pagpuslit ng P6.4 bilyong halaga ng shabu sa bansa.
Mariin kasing binatikos ng ilang mga senador ang pagkakaalis ni Faeldon bilang mga respondent sa kaso gayong dapat din anilang managot ang mga dapat nagbabantay upang hindi makalusot ang mga ganitong kontrabando sa Bureau of Customs (BOC).
Giit ni Aguirre, nagreresolba sila ng mga kaso base sa mga inihaing ebidensya sa kanila.
Kung nakakita aniya ang mga senador ng ebidensyang makapagpapanagot sa sinumang opisyal ng BOC ngunit hindi ito naihain sa kanila, hindi nila ito maiku-konsidera.
Dagdag pa ng kalihim, hindi pa nga umaabot sa kaniyang opisina ang kaso dahil nasa preliminary stage pa ito at wala pa siyang kinalaman sa proceedings na nangyayari sa bahaging ito.
Sa katunayan aniya ay hindi pa niya nababasa ang resolusyon na inilabas ng National Prosecution Service.
Dahil dito, payo ni Aguirre sa sinuman na gustong mag-komento na basahin muna ang reklamo at ang subject resolution bago magsalita.
Gayunpaman, tiniyak ng kalihim na handa naman silang humarap sa kahit na sino para depensahan ang kanilang resolusyon.