Sinadya ang pagpatay ng mga pulis kay Carl Angelo Arnaiz- PNP IAS

 

Sinadya ng dalawang pulis-Caloocan na ‘iligpit’ si Carl Angelo Arnaiz, ang 19-anyos na binatilyong unang inakusahan na nang-holdap sa isang taxi driver bago ito natagpuang patay noong Agosto.

Ayon kay PNP-Internal Affairs Service (PNP-IAS) Inspector General Alfegar Triambulo, ito ang lumilitaw sa kanilang isinagawang imbestigasyon sa pagkamatay ni Arnaiz sa kamay nina PO1 Ricky Arquilita & PO1 Jeffrey Perez.

Ang dalawa ay una nang inimbestigahan ng PNP-IAS dahil sa administrative case na grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer.

Ayon kay Triambulo, nagtugma ang mga testimonya ng saksi at maging ng driver ng taxi na si Tomas Bagcal na siya umanong hinoldap ni Arnaiz.

Naging susi aniya sa resolusyon ng imbestigasyon ang pahayag ni Bagcal na buhay si Arnaiz nang kanyang dalhin sa himpilan ng PCP-2 Caloocan noong gabi ng Agosto 18 matapos siyang holdapin umano nito.

Gayunman, isinama umano ng dalawang pulis si Carl at makalipas ang ilang oras ay natagpuan na itong patay sa tama ng bala.

Sa kanilang testimonya, iginiit nina P01 Perez at Arquilita na napatay si Arnaiz resulta ng lehitimong operasyon matapos nitong holdapin ang taxi driver na si Bagcal.

Samantala, bukod sa dalawang pulis, irerekomenda rin ng PNP-IAS na ma-demote ng isang ranggo ang hepe ng dalawang pulis na si Chief Inspector Fortunato Ecle dahil sa isyu ng command responsibility.

Read more...