Ipinauubaya na lang ng kampo ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa Senado bilang impeachment court ang kapalaran ng impeachment case nito.
Kasunod ito ng pagtanggi ng House Justice Committee na matanong ng mga abogado ni Sereno ang mga witness sa impeachment complaint laban sa Punong Mahistrado.
Ayon kay Atty. Josa Deinla, isa itong malungkot na araw para sa hustisya dahil ipinagkaitan ng karapatan sa Saligang Batas Sereno na matapang na tagapagtanggol ng Konstitusyon.
Hinihintay na lamang ni Sereno ang pagkakataon niya na ipagtanggol ang kanyang sarili sa pagdinig ng kanyang impeachment sa Senado kung saan umaasa siyang irerespeto ang kanyang mga karapatan.
Nanindigan si Deinla na mali ang House Justice Commitee sa pagtanggi sa karapatan ni Sereno na katawanin ng abogado base sa Section 13(2) ng House Rules of Procedure Governing Inquiries in Aid of Legislation.
Una rito, ibinasura ng justice committee ang mosyon ni sereno sa botong 30-4 .
Iginiit ni Deinla na ang cross examination sa pamamagitan ng abogado ay hindi lamang bahagi ng due process kundi maaari pang makatulong para lumabas ang katotohanan sa mga alegasyon laban kay Sereno.