15 pulis sa Caloocan City na nanloob sa isang bahay ipinasisibak na

Radyo Inquirer

Inirekomenda na ng Philippine National Police-Internal Affairs Service kay PNP Chief Dir. Gen. Ronald ‘Bato’ Dela Rosa ang pagtanggal sa pwesto ng mga pulis na nagsagawa ng iligal na raid sa isang bahay sa Caloocan City.

Ayon kay PNP-IAS Insp. Gen. Atty. Alfegar Triambulo, isusumite niya na ang rekumendasyong pagsibak sa puwesto sa labinglimang pulis mula sa nasabing lungsod.
Napatunayan umano sa kanilang isinagawang imbestigasyon na lumabag sa kanilang Police Operational Procedure ang mga pulis.

Kabilang sa mga irerekumendang alisin sa serbisyo ay sina C/Insp. Timothy Aniway Jr. na siyang Commander ng Police Community Precinct 4, Senior. Insp. Warren Tano Peralta, PO1 Ariel Furlo, PO1 Marvin Poblete, PO1 Sherwin Rivera, PO1 Jay Gabata, PO1 Sampang Sampurna II at PO1 Rene Llanto.

Kasama rin sa listahan sina PO1 Louie Serrano, PO1 Jaypee Talay, PO1 Ronelio Julaton, PO1 Jay-ar Sabangan, PO1 Jaime Natividad, PO1 Michael Angelo Miguel at PO1 Joey Leaban.

Matatandaang noong nakaraang September 7 ay iligal na sinalakay ng mga nasabing pulis ang bahay ni Gina Erobas sa Barrio Sta. Rita, Brgy. 188, Tala, Caloocan City.

Nakuhanan pa ng video ang paglusob ng mga pulis na walang dalang search warrant, hindi naka-uniporme, at may kasama pang dalawang sibilyan.

Kinuha pa ng mga ito ang ilang mamahaling relo, cellphone at pera na pagmamay-ari ng pamilya Erobas.

Read more...