DND handa na sa mga inaasahang pag-atake ng CPP-NPA

Inquirer file photo

Suportado ng Department of National Defense (DND) at Philippine National Police (PNP) ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na tuluyan nang kanselahin ang usapang pangkapayapaan sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Sa isang pahayag, sinabi ni DND Spokesman Arsenio Andolong na napuno na ang Punong Ehekutibo sa umano’y nagpapatuloy na pag-atake ng mga rebeldeng grupo sa kabila ng peace talks.

Magpapatuloy aniya ang mga operasyon ng DND at Armed Forces of the Philippines (AFP) para harangin ang mga pag-atake ng komunistang grupo.

Bunsod nito, hinikayat ng opisyal ang NPA na sumuko na sa gobyerno.

Samantala, ayon naman kay PNP Spokesman Chief Superintendent Dionardo Carlos, susunod ang pambansang pulisya sa ibinabang utos ng pangulo.

Magkakaroon aniya ng ilang palatuntunin sa pag-iimplementa ng naturang anunsiyo.

Dagdag pa nito, tututukan ng PNP na panatilihin ang kapayapaan sa bansa.

Read more...