Umarangkada na ang pagdinig ng House Justice Committee sa impeachment complaint laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Gaya ng inaasahan, hindi sumipot sa hearing ang punong mahistrado at tanging ang mga abogado nito ang nagtungo sa House of Representatives kahit pa nauna nang sinabi ni House Justice Committee Chairman Reynaldo Umali na hindi nila papayagan na katawanin nila si Sereno.
Sa ipinadalang imbitasyon, tanging ang complainant na si Atty. Larry Gadon at si Serreno lamang ang inimbitahan sa pagdinig.
Nagsagawa naman ng botohan ang komite kung papayagan o hindi ang mga abogado ni Serreno na magsalita para sa kaniya.
Gayunman, sa botong 30 – 3 ng committee members, napagpasyahan na huwag payagan ang mga hindi miyembro na makilahok sa impeachment proceedings.
Ito ay makaraang magsumite si Serreno noong Martes ng Special Power of Attorney kung saan binibigyang otorisasyon nito ang mga abogado niya para maging kaniyang kanatawan.
Sa pagdinig ngayong araw, tutukuyin kung mayroon bang probable cause ang impeachment complaint na isinampa ni Gadon laban kay Serreno.
Kabilang sa mga binanggit ni Gadon na naging paglabag ni Sereno ay culpable violation of the Constitution, corruption, other high crimes at betrayal of public trust.