Mapapakinabangan na sa buwan ng Abril sa taong 2018 ang South West Integrated Transport Exchange o SWITEx.
Patuloy ang konstruksyon ng pasilidad na magsisilbing common terminal ng mga pampasaherong bus, UV Express at jeep.
Ipinakita sa media ng Megawide Construction Corporation at ng Department of Transportation (DOTr) ang status ng itinatayong terminal sa apat na ektaryang reclaimed land sa Barangay Tambo sa Paranaque City.
Nasa P3 bilyon ang halaga ng proyekto na layong maibsan ang pagsisikip sa daloy ng traffic sa Metro Manila at magsama-sama na lamang ang mga bus sa nasabing terminal.
Sinabi ni Megawide President Manuel Louie Ferrer sa SWITEx, mabibigyan ng madaling access sa iba’t ibang uri ng transportasyon ang mga pasahero na patungo sa mga lalawigan sa south na kalapit ng Metro Manila.
Mistulang airport ang pasilidad na magkakaroon ng passenger terminal buildings, loading at unloading bays, staging bays, ticketing at baggage handling facilities, at park-ride facilities.
Lalagyan din ito ng air-conditioned lounges at waiting areas para sa mga pasahero, retail stores at food centers.
Sa sandaling matapos, inaasahang mabebenepisyuhan nito ang aabot sa 100,000 na pasahero bawat araw.
Kabilang ang proyekto sa “five big-ticket” infrastructure project ng DOTr na mapasisinayaan sa susunod na taon.