Duterte, bumwelta sa pagkondena sa kaniya ng UN

“Sabihin mo sa kaniya, harapin niya ako dito.”

Ito ang galit na tugon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa naging pagkondena ng United Nations Human Rights Office sa kaniyang banta laban kay UN special rapporteur Agnes Callamard.

Sa inilabas na pahayag ni UN human rights spokesman Rupert Colville, kinondena nila ang pahayag ni Duterte na sasampalin niya si Callamard oras na imbestigahan siya nito.

Giit pa ng presidente, binabastos ni Colville ang Pilipinas.

Ipinunto kasi ni Duterte na taliwas ang mga pahayag ni Callamard sa “International Narcotics Control Board Precursors and Chemicals Frequently Used in the Illicit Manufacture of Narcotic Drugs and Tropic Substances 2014” ng UN.

Nainis ang pangulo dahil hindi na niya alam kung saan siya lulugar dahil magkakaiba ang sinasabi ng United Nations, ng Human Rights Commission at ng report ng World Health Organization.

“Sabihin mo sa kanya, harapin niya ako dito, p— ina talaga hiritan. Binabastos niya tayo. There is a report of the United Nations, of which the Human Rights Commission is a part as well as the World Health Organization. Saan mo ako ilagay doon?” ani Duterte.

Dagdag pa ni Duterte, kaya niya binabastos ang mga ito dahil dinadamay pa siya ng UN sa hindi nila pagkakaunawaan.

“Biro mo, nag-aaway sila, magpo-produce pang doctor dito na itim, magsasabi pa ng g—, ‘Ah, that is all right.’ Tapos ‘yung World Report—World Health Organization—and you can have a copy, I’ll give you, it’s not mine. Ikaw, ganunin ko. Maligayahan ka kung ganunin ka?” galit na pahayag ng pangulo.

 

Read more...