6 miyembro ng Abu Sayyaf, arestado sa Sulu

 

Nasukol ng mga pwersa ng pamahalaan ang anim na miyembro ng Abu Sayyaf Group bunsod ng ikinasang operasyon sa bayan ng Tongquil sa Sulu.

Nakilala ang mga suspek na sina Omar Amping, Gabby Juwa, Jadi Luhadi, Alcimel Abdulla, Madi Jalilul at Sakkam Dekani.

Si Amping ay ika-apat sa listahan ng mga most wanted na kriminal sa Zamboanga City at mayroon ding dalawang warrant of arrest laban sa kaniya dahil sa kasong murder.

Ayon kay Naval Forces Western Mindanao Commander Rear Admiral Rene Medina, nagsagawa sila ng operasyon laban sa mga suspek noong Lunes.

Ito’y matapos sila makatanggap ng mga sumbong na hina-harass ng grupo ang isang commercial fishing boat sa may Saluping island sa Basilan.

Nagawa nilang maharang ang dalawang motorized pumpboats ng mga suspek na kanila ring naaresto.

Kasabay nito ay nasabat din nila ang ilang mga armas mula sa mga suspek kabilang na ang isang M16 rifle, apat na magazines at 110 na bala.

Matapos nilang maaresto, ipinaubaya na ng Navy sa mga pulis ang mga suspek para na rin sa pagsasampa ng mga kaukulang kaso laban sa kanila.

Read more...