Nasabat sa isang surprise inspection sa Bohol District Jail (BDJ) ang mga iligal na droga, improvised na matatalim na bagay at iba pang mga kontrabando.
Pinalabas ang mga lalaking inmates ng BDJ mula sa kani-kanilang mga dormitoryo Lunes ng umaga at pinagtipun-tipon sila sa grounds ng piitan habang nag-inspeksyon naman ang mga otoridad sa kanilang mga selda.
Siyam na sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P24,000, dalawang maliliit na strips na may traces ng shabu powder, improvised na mga panaksak, gunting, disposable lighters at cell phones ang nasamsam ng mga otoridad mula sa mga kulungan.
Magkakatuwang na isinagawa ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Bohol at Bohol Provincial Police Office ang nasabing operasyon.
Sa ngayon ay mayroong 949 na detenido sa BDJ, sa kabila ng kapasidad nito na 400 katao lamang.