Ang pagbiyahe sa ibang bansa gamit ang pera ng gobyerno at pagtanggap ng pabor mula sa mga drug player ang dahilan ng pagsibak sa pwesto kay dating Dangerous Drugs Board (DDB) chairperson Dionisio Santiago.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi lang ang naging pahayag ni Santiago hinggil sa mega rehab center ng pamahalaan ang dahilan kaya siya naalis sa pwesto.
May mga reklamo aniyang nakarating sa Malakanyang hinggil sa ‘junkets’ o ‘pleasure trips’ ni Santiago kasama ang umano ay ‘babae’ nito, mga kaibigan at ilang paborito niyang tauhan sa DDB.
Partikular na tinukoy ni Roque ang ‘junkets’ umano ni Santiago sa Austria at Estados Unidos.
Dagdag pa ni Roque, tumanggap din ng pabor si Santiago mula sa major drug players at isa sa binanggit nito ang bahay na bigay umano ni dating Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog.
Una nang sinabi ni Santiago na ikinabigla niya ang pagkakasibak sa kaniya sa DDB.
Tinukoy niya pa na may mga malapit umano kay Pangulong Duterte na hindi siya gusto at hindi gusto ang kaniyang pagsasalita.