Pagsibak kay Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog, pinagtibay ng Court of Appeals

Inquirer File Photo

Pinaboran ng Court of Appeals (CA) ang utos ng Office of the Ombudsman na pagsibak sa pwesto sa kontrobersyal na si Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog.

Si Mabilog ay isa sa mga pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte na nasa listahan ng mga “narco-politician.”

Sa apat na pahinang resolusyon ng CA Special 1st Division na isinulat ni Associate Justice Ramon Paul Hernando, ibinasura nito ang inihaing petisyon ni Mabilog dahil sa kawalan ng merito.

Ayon sa Appellate Court, mali ang paraan ng apela na ginamit ni Mabilog nang kwestiyunin nito ang utos ng Ombudsman sa CA.

Ang inihain kasing petisyon ni Mabilog ay batay sa Rule 65 ng Rules of Court sa halip na Rule 43.

Dahil dito, nararapat lamang umanong ibasura ang apela ni Mabilog.

Salig na rin umano ito sa naging desisyon ng Korte Suprema sa kasong “Fabian versus Desierto” noong 1998 na nagsasabing ang mga apela laban sa desisyon ng Ombusman sa mga administrative disciplinary cases ay dapat na kwestiyunin sa CA sa pamamagitan ng Rule 43.

Ang desisyon ng CA ay sinang-ayunan nina Acting Presiding Justice Remedios Salazar-Fernando at Justice Zenaida Galapate-Laguilles.

Sa desisyon ng Ombudsman na may petsang October 6, si Mabilog ay pinatawan ng “dismissal from the service” bilang parusa matapos makitaan ng substantial evidence ang paratang na serious dishonesty laban sa kanya dahil sa iligal na pagkamal ng yaman.

Kasama rin sa desisyon ng Ombudsman ang kanselasyon ng civil service eligilibity ni Mabilog, at habang buhay na rin siyang hindi papayagang makabalik sa alinmang posisyon sa gobyerno.

Si Mabilog ay bumiyahe sa labas ng bansa noon pang September 11 para umano magpagamot.

Itinalaga ng DILG, alinsunod sa direktiba ng Ombudsman, bilang kapalit ni Mabilog ang bise alkalde ng Iloilo City na si Vice Mayor Jose Espinosa the Third.

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...