Dela Rosa: PNP, hindi pa “totally cleansed” nang ilunsad ang war on drugs

 

Aminado si Philippine National Police (PNP) chief Director Gen. Ronald dela Rosa na dapat ay nilinis muna nila ang kanilang mga hanay bago nila isinagawa ang malawakang kampanya laban sa iligal na droga.

Ayon kay Dela Rosa, nang simulan nila noong July 2016 ang laban kontra iligal na droga sa bansa, hindi pa tuluyang nalilinis ang mga ranggo sa pulisya.

Matatandaang matapos ilunsad ang war on drugs ay mahigit 100 mga pulis ang nag-positibo sa iligal na droga nang magsagawa sila ng drug tests.

Ani Dela Rosa, mas mabuti siguro kung inuna na lang muna nila ang pagsupil sa mga pasaway na pulis na may kinalaman sa iligal na droga bago nila ito ginawa.

Sa ngayon ay ibinalik na sa frontline ng war on drugs ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) dahil sa mga walang humpay na pagbatikos sa kung paano ito ipinatupad ng PNP.

Gayunman, una nang sinabi ni Dela Rosa na oras na tumindi muli ang problema sa iligal na droga, muli na silang mangunguna sa kampanya laban dito.

Read more...