Sa kanyang tweet, iginiit ni Trump na mistulang hindi kinikilala ni LaVar Ball, ama ni LiAngelo Ball ang kanyang personal na paglapit kay Chinese President XI Jinping upang hilingin dito na palayain ang tatlo.
Dahil aniya sa reaksyon ng ama, dapat aniya ay kanyang hinayaan na lamang ang anak nitong manlalaro na mabulok sa kulungan sa China.
Matatandaang ang tatlong basketball player ng UCLA na sina Liangelo Ball, Cody Riley at Jalen Hill ay inaresto sa Hangzou, China matapos mag-shoplift ng mamahaling sunglasses sa tatlong tindahan.
Paliwanag ni Trump, personal niyang hiniling kay President Xi na palayain na lamang ang tatlo sa halip na makulong.
Nagpasalamat naman ang mga estudyante kay Trump at humingi ng paumanhin matapos makabalik sa Amerika.
Gayunman, ang ama ni LiAngelo na si Lavar, ay naniniwalang walang kinalaman si Trump sa paglaya ng kanyang anak at dalawa pa nitong kapwa manlalaro.
Ayon pa kay Lavar, hindi ‘big deal’ ang ginawang pagnanakaw ng sunglasses ng kanyang anak.