Mga opisyal na panay ang biyahe nang walang permit, pinagre-resign na ni Duterte

 

Pinagbibitiw na sa pwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga opisyal ng gobyerno na bumiyahe palabas ng bansa nang walang hawak na kaukulang travel order mula sa kani-kanilang mga opisina.

Inanunsyo kasi ng pangulo na marami siyang handang sibakin sa susunod na linggo dahil sa paggamit ng pondo ng bayan para sa mga biyahe na hindi naman kailangan.

“And there are a lot for next week to be fired. Those who went out of the country to waste the money without the permission of the authorities,” banggit ng pangulo.

Ito’y bahagi pa rin ng kampanya ni Pangulong Duterte na supilin ang katiwalian sa gobyerno.

Ayon kay Duterte, dahil ipinangako niya ito sa bayan, sisiguruhin niyang mabubura talaga ang kurapsyon at asahang pagdating ng ikatlong taon niya sa pwesto ay maibabalik niya sa normal ang kalakaran sa gobyerno.

Paliwanag ng pangulo, may mga kawani ng pamahalaan na lumabas ng bansa para sayangin lang ang pera ng bayan nang walang kaukulang permiso mula sa mga otoridad.

Dagdag pa niya, may mga bumibiyahe para lang dumalo sa mga seminar tungkol sa kung anu-ano tulad ng pagsasaka, negosyo at iba pa.

Gayunman, iginiit ng pangulo sa mga opisyal na hindi niya pinangalanan, na hindi nila pera ang kanilang ginagastos sa mga biyaheng ito.

Inihalimbawa naman ng pangulo ang kaniyang ginagawa, kung saan pinipili niya lang aniya ang kaniyang mga pupuntahan at tinitiyak na iyong mahahalagang pagpupulong lamang ang kaniyang dinadaluhan.

Panawagan niya sa mga ito, mag-resign na lamang nang tahimik kung ayaw nilang mapahinga.

“So when I say to you, ‘You resign,’ go out silently para walang.. less bloody para sa atin,” ani Duterte.

Ngunit kung hindi naman magkukusa aniya ang mga ito ay handa siyang ipahiya ang mga ito.

Read more...