Mga tumulong sa babaeng naputulan ng braso sa MRT, binigyang-pagkilala

 

FB/Kabayan PL

Binigyang-pagkilala ng isang partylist group ang ipinakitang kabayanihan ng mga taong nagtulung-tulong upang sagipin ang buhay ng isang dalagang nahulog sa riles ng MRT sa Ayala Ave. kamakailan.

Sa isang simpleng seremonya, binigyan ng parangal ng Kabayan partylist sina Charleanne Jandic, at PO2 Danilo Agustin Jr.

Ang dalawa ang ilan lamang sa mga tumulong sa 24-anyos na biktimang si Angeline Fernando na naputulan ng braso sa naturang insidente.

Sina Jandic, na isang medical intern at PO2 Agustin na isang registered nurse ay kapwa tumanggap ng plake at cash incentives at binigyan ng pagkilala bilang Kabayan Bayani Awardee.

Bukod dito, nakatakda ring bigyan ng Eastern Police District ng hiwalay na parangal si Agustin at isa pang pulis na si PO1 Ramil Almano matapos tumulong kay Fernando.

Matatandaang aksidenteng nahulog si Fernando sa pagitan ng dalawang bagon ng tren sa Ayala Ave. station ng MRT matapos umano itong mahilo.

Agad namang tumulong ang mga security personnel ng MRT, at sina Jandic at Agustin sa pamamagitan ng pagbibigay ng emergency first aid sa biktima upang maiwasang maubusan ito ng dugo dahil sa pangyayari.

Read more...