Kasunod ito ng naganap na Biannual Plenary Assembly ng CBCP noong Hulyo kung saan napili na maging susunod na pangulo si Davao Archbishop Romulo Valles.
Papalitan ni Archbishop Valles si outgoing CBCP President at Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas.
Samantala, uupo na rin sa kanyang pwesto bilang bise presidente si Caloocan Bishop Pablo Virgilio David.
Dalawang taon ang magiging termino ng bagong liderato na magtatapos sa November 30, 2019.
Samantala, sinabi naman ni CBCP Public Affairs Committee Fr. Jerome Secillano na umaasa sila sa mas magandang relasyon sa pagitan ng gobyerno at ng Simbahang Katolika sa bansa sa pag-upo ni Abp. Valles bilang pangulo.
Si Abp. Valles ay mayroong magandang ugnayan kay Pangulong Duterte na nanilbihan nang matagal bilang alkalde ng Davao.
Gayunpaman, tiniyak ni Secillano na mamanatiling kritikal ang liderato ng Simbahang Katolika sa Pilipinas sa ilang mga isyung panlipunan lalo na sa mga may kinalaman sa kabanalan ng buhay.
Anya, ang pagbabago sa pamunuan ng CBCP ay hindi nangangahulugan na babaguhin na rin ng Simbahan ang mga aral nito.
Ayon kay Fr. Secillano, maaari namang magkaroon ng pagbabago sa tono at paraan ang Simbahan sa pagtalakay sa mga naturang isyu.