Drug war, posibleng ibalik sa PNP kung lalala ang problema sa droga

Ibabalik ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Philippine National Police (PNP) ang kampanya laban sa iligal na droga kung lalala ang problema ng bansa sa droga.

Ito ang naging bahagi ng pahayag ng pangulo sa kanyang talumpati sa isang business event sa Davao City.

Aniya, kung gagrabe ang problema sa droga ay wala siyang magagawa kundi ibalik ang drug war sa PNP dahil aniya, gusto niyang matapos na ang problemang ito sa mabilis na panahon.

Dagdag pa ng pangulo, walang makakapigil sa kanya, kahit na si US President Donald Trump o sinumang human rights advocate.

Matatandaang kasalukuyang pinangungunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang kampanya laban sa iligal na droga matapos batikusin ang sunod-sunod na pagpatay sa mga sinasabing gumagamit at tulak ng droga.

Ngunit mismong si PDEA Chief Arron Aquino ang nagsabi na posibleng mabawasan ang mga operasyon patungkol sa war on drugs kung wala ang kapulisan lalo na’t kakaunti lamang ang hanay ng kagawaran.

Read more...